Makatang maligalig na walang tugma

By Anonymous · · 10 views · 0 likes · 0 comments

Artwork accompanying the poem Makatang maligalig na walang tugma

Noong ipinaubaya mo ang iyong katahimikan,
hindi ko lubos naunawaan kung gaano kalaki ang tiwalang ibinigay mo.

Tuyo man ang lalamunan ng iyong pluma noon,
malinaw ang iyong sinabi:
hinayaan mong ako ang maging sentro ng iyong paningin,
isang bagong normal na kahit nangangapa’t nanginginig ang tuhod
ay pinili mong lakbayin kasama ako.

Ngunit pinangunahan ako ng sarili kong ingay.
Naging makatang maligalig ako sa loob ng silid na pinilit mong patahimikin.
Nalimutan kong ang lamparang matagal mong iningatan
ay nangangailangan ng banayad na bantay, hindi ng padalos-dalos na hakbang.

Lumampas ako sa iyong mga hangganan;
nabigo kitang igalang sa paraang nararapat sa iyo.
At sa bawat araw na lumilipas ang tahimik na ito,
inaako ko ang bawat bigat ng aking pagkukulang nang buo at walang pagdadahilan.
Sobrang pinagsisisihan ko ang lahat.

Nangungulila ako sa iyo sa paraang hindi kayang ipaliwanag ng anumang tugma.

Patawad, giliw.

Patawad kung ang ninais mong maging kanlungan
ay nagdala pa ng panibagong armagedon sa iyong dibdib.

Hindi ko isinusulat ito upang guluhin ka o piliting bumuhos muli ang iyong mga salita.
Nais ko lamang malaman mo na narinig kita—at patuloy kitang naririnig.
Natututunan ko na ngayon kung ano ang tunay na kahulugan ng paggalang:
ang matutong maghintay sa labas ng bakod,
ang namnamin ang sariling hiyaw ng katahimikan nang may kababaang-loob,
at ang hindi pilitin ang liwanag na sumilip bago ito maging handa.

Umaasa ako, buong-puso at taimtim, na may araw pang darating kung saan muling magiging ligtas ang iyong paglapit.
Kung pahihintulutan mo pa balang araw,
nais kong patunayan na kaya kong matutong humawak nang may pag-iingat—
na kaya kong sumabay sa wala sa tonong kanta,
at maging angkop sa tahimik at payapang normal na matagal mong hinahanap.

Hanggang sa panahong iyon, narito lamang ako.

Naghihintay, nagbabago, at palaging nangungulila sa iyo.